by Edgar Samar
Sa tuwing ipinapasyal ng Tatay, pag-uwi’y
babaybayin ko noon sa isip ang nilakbay
at saka iguguhit sa papel. Magsisimula sa ilog.
O sa isang kanto—at saka dadalhin
ang lapis sa kung saan. Pipiliting iligaw
ang sarili. Dadagdagan ang kalye,
o lalagyan ng puno ang dapat sana’y tindahan.
Pero hindi ako nawawala.
Noon ko nasumpungan ang mukha ng paglikha.
Pinangalanan ko ang mga lugar,
kahit ang mga di-narating, o wala naman
talaga—Manggahan, Ligaya, Engkanto, Atbp.—
pangalan ng kalaro, ng mga bagay
na madalas makita, mga táong iniibig,
mga bagay na gustong paglaruan.
Inibig ko noong lakbayin ang mundo
na kailanman, di ko matatakasan.